Korona sa District Meet naidepensa; atleta ng CTES nanlampaso
Inilampaso ng Camp Tinio Elementary School (CTES) ang mga paaralan sa District IV matapos itong kumamada ng labinlimang ginto, tatlong pilak, at dalawang tanso ang upang maidepensa nito ang korona sa 2012 District Meet sa CTES, Oktubre 30. Namayani sa team events na sepak takraw at football ang CTES matapos pataubin ang koponan ng San Isidro at L.O. Francisco Elementary School. Nanguna rin sa chess ang wizards ng CTES na sina Katrina Balosbalos at Jan Rae Atienza samantalang dinomina naman ng mga babae at lalaking CTES paddlers ang singles at doubles events sa table tennis. Hinakot rin ng CTES shuttlers ang mga unang puwesto sa boys and girls badminton singles at doubles. Tinangay naman nina Patricia Mae Batan, Rosen Bea Sagao, at Elma Grace Cachero ang ginto sa 100 m, 400 m, at 800 m dash habang pumangalawa naman ang CTES volleybelles at pumangatlo ang CTES volleymen. May 26 gintong medalya sa siyam na sports events ang pinagtunggalian ng 16 na paaralan sa District IV kabilang ang San Isidro Elementary School na siyang pumangalawa sa puwesto at Calikid Norte Elementary School sa ikatlo.
Bagong coach, bagong rekord CTES shuttlers, umukit ng kasaysayan
Nakapagtala ng bagong rekord ang mga shuttlers ng Camp Tinio Elementary School (CTES) matapos nilang hakutin ang lahat ng apat na gintong medalya sa badminton events sa nakaraang 2012 District Meet. Kauna-unahang pagkakataon para sa CTES ang pagkakapanalo ng gintong medalya ng lahat ng boy at girl shuttlers ng CTES sa singles at doubles sa loob ng maraming taon. Nakaukit na sa kasaysayan ng CTES ang pagkapanalo nina Andrea Mancilla at Joven San Vicente sa singles division; Adrian Ramos, Jhon Alexis Restua, Joyce Bartolome, at Dorielyn Ligaya para naman sa doubles division gayundin ang bagong coach ng badminton team na si G. Allan David Valdez.
4 sunod na taon Lady sprinters ng CTES pinagharian ang track events
Sa ikaapat na pagkakataon ay pinagharian ng Camp Tinio Elementary School ang track events matapos tumangay ang mga lady sprinters ng CTES ng tatlong ginto, dalawang pilak, at isang tanso sa iba’t ibang track events at pakainin ng alikabok ang kanilang mga katunggali sa isang araw na 2012 District Meet sa CTES, Oktubre 30. Unang napasakamay ng 12 taong gulang at datihang mananakbo na si Patricia Batan ang gintong medalya sa 100 m dash girls na hindi man lang nakitaan ng pagkahapo matapos ang 13.3 segundong record. Dumagit rin ng medalyang ginto ang mga baguhang sina Rosen Bea Sagao sa 400 m dash at ang Elma Muros ng CTES na si Elma Grace Cachero sa 800 m dash. Pumangalawa naman sa 400 m dash si Roxanne Aquino at Gellie Rose Gayla sa 800 m dash samantalang naiuwi naman ni Leah Raca ang tanso sa 200 m dash. Bagamat bigong makasungkit ng mga lalaking mananakbo ng CTES ng kahit isang medalya ay dinomina pa rin ng CTES ang track events sa District Meet. Kumarera sa Division Meet ang mga CTES lady sprinters at bagamat nagsipagwagi ay kinapos naman sa oras na kailangan upang makapaglaro sa panrehiyong paligsahan. “Tututukan pa namin ang aspeto ng pag-beat sa oras para naman hindi makasabak hanggang sa regional level ang mga sprinters natin,” wika ni Gng. Edna Empania, tagapagsanay sa pagtakbo.
Namoro, record-breaker sa District shot put
Binasag ng Camp Tinio Elementary School (CTES) thrower na si John Paul Namoro ang naitalang rekord ni Joseph Anasco na dating thrower rin ng CTES noong nakaraang taon matapos makapagtala ni Namoro ng 7.5 m na distansiya sa shot put event sa nakaraang 2012 District Meet sa CTES. Halos isang metro ang agwat ng rekord ni Namoro kay Anasco na may 6.7 m. Si Anasco na ngayon ay nasa Grade VII na ay siyang may hawak ng rekord ng may pinakamalayong tira ng shot put bago ito agawin ni Namoro. Sa Division Meet, pumangalawa lamang si Namoro sapagkat bahagyang humina ang kaniyang tira na pumalo lamang sa 7.3 m. Gayunpaman ay sasabak pa rin si Namoro sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) sa Tarlac City sa Marso at umaasang papalaring makapaglaro sa Palarong Pambansa sa Negros Oriental. Hindi naman pinalad ang mga babaeng throwers na sina Gellie Rose Gayla at Paulene Tagaban matapos magka-injury ang una at matalo ang huli sa mga throwers ng District 1.
Atienza, kumopo ng ginto sa chess
Lamang pa rin ang may karanasan. Pinatunayan ito ng Grade VI woodpusher ng Camp Tinio Elementary School (CTES) na si Jan Rae Atienza matapos niyang pataubin ang baguhan nitong kalaban na si Jesbanmiel Santos ng Bagong SiKat Elementary School (BSES) sa championship finals ng chess event ng 2012 District Meet sa CTES, Oktubre 30. Si Atienza, na sumabak na sa chess simula pa noong Grade IV ito, ay nanatiling mautak sa kaniyang laban. Sinamantala ni Atienza ang sundalo at kabayo ni Santos na nagbunsod sa pagkatalo ng huli sa unang tira. Upang proteksiyunan ang iba pang opisyal, sumulong si Santos ngunit sadyang matinik si Atienza at nakakita ito ng pagkakataon para tuluyang makorner ang kabayo at isang tore. Naging matamlay na ang puwersa ni Santos sa mga sumunod na tira kaya nagawang makulong ni Atienza ang hari at obispo ni Santos at napasakamay ang panalo. “Dahil na rin po sa experience ko, madali akong makakita ng mga openings at sinasamantala ko yun,” pag-amin ni Atienza matapos ang laro. Samantala, naiuwi rin ni Katrina Balosbalos ng CTES ang gintong medalya sa chess girls division matapos nitong pataubin si Jan Mica Edubane ng Cabu Elementary School. Sa Division Meet ay kapwa napataob sina Atienza at Balosbalos ng mga woodpushers ng District I.
Sa Palaro 3rd Edition Grade VI, kampeon sa ika-3 pagkakataon
Inangkin ng Grade VI sa ikatlong pagkakataon ang kampeonato sa ika-tatlong taon ng Palaro matapos talunin ang Grade V at Grade IV sa siyam sa 13 sports events ng Palaro 3rd Edition sa Camp Tinio Elementary School (CTES), Nobyembre 16. Kumubra ng siyam na ginto at apat na pilak ang Grade VI upang makamit ang kampeonato sa naturang torneo. Nasilat at napanatili ng Grade VI ang mga gintong medalya sa volleyball boys at girls, sepak boys, badminton girls, chess boys, 100 m dash boys at girls, at bultong boys at girls. Nabigo naman silang manguna sa table tennis boys at girls, chess girls, at badminton singles boys na siya namang dinomina ng Grade V. Bigo ring makalikom ng gintong medalya ang Grade IV ngayong taon. Ang bultong na pinagharian ng Grade IV ay nasilat ng Grade VI ngayong taon. Pumangalawa sa torneo ang Grade V na may apat na ginto, pitong pilak, at dalawang tansong medalya at nangulelat ang Grade IV na lumikom lamang ng dalawang pilak at 11 tansong medalya.
Tumaas ang bilang ng gintong medalyang naiuwi ng Camp Tinio Elementary School (CTES) sa katatapos na 2012 District Meet at ito ay dahil sa suporta at pagpapahalagang ibinigay ng pamunuan ng paaralan para sa mga atleta at sa aspetong pampalakasan ng paaralan. Kung dati-rati ay natutuon lamang ang lubos na suporta ng paaralan sa mga pang-akademikong paligsahan, ngayon ay gumugugol na ito ng salapi para mapalakas ang isports sa CTES. Nitong huli ay gumugol ng hindi bababa sa 10 libong piso ang paaralan para sa mga kagamitang pampalakasan na pumuno sa kakulangan ng mga ito sa pagsasanay ng mga atleta. Naglaan din ng halaga para sa pagkain ng mga atleta. Patunay lamang ito na ang suporta ang susi sa tagumpay sa larangan ng isports. Kung ang suporta ay buhay at bukas-palad na ibinibigay sa mga nangangailangan nito, walang dudang kapalit nito ay pagpupursige at kalaunan ay pagwawagi sa isang larangan. Isang pagsaludo ang ipinahahatid ng patnugutan ng Kampo sa pamunuan ng paaralan ng CTES sa hindi matatawarang aksiyong ginawa para sa mga atleta. At dahil rin sa suportang ibinigay ng paaralan, pinto para sa magandang paksang sulatin naman ang inihatid nito sa pampaaralang pahayagang ito. Sa patuloy na suporta, patuloy na pagtatagumpay ang maibabalik nito sa paaralan.
ALERTO. Alertong nag-aabang ang goal keeper na si Jeremy Ian Quibote ng Camp Tinio Elementary School Booters sa maaring pag-atake ng Cabanatuan East Central School Kickers sa Division Meet Football Championship Finals. Naging alerto man, nakapagpalusot pa rin ang Kickers ng isang puntos nang di magawang harangin ni Quibote ang bola.(Tingnan ang balita sa ibaba para sa kumpletong ulat sa larong ito.)Larawang kuha ni ROENTGEN GOSE
Sasabak muli sa CLRAA CTES Booters,tinalo ang CECS Kickers, 3-1
Nagmistulang lumpo ang pagtatangka ng baguhang Cabanatuan East Central School (CECS) Kickers na pataubin ang tahirang Camp Tinio Elementary School (CTES) Booters matapos ungusan ng huli ang Kickers, 3-1, sa Football Championship Match ng Division Meet sa Oval ng Camp Tinio National High School, Disyembre 20. Naging mainit kaagad ang Booters sa pangunguna ng defender na si Edward Bandong na nagbunsod sa unang goal ni Arwin Ramos, 1-0, sa first half pa lamang ng sagupaan. Nagpatuloy ang pagiging agresibo ng Booters at pagiging malamya naman ng Kickers sa second half kaya’t nagawang magpakawala ng striker ng Booters na si Charles Cuevo ng isang solidong sipa mula sa side field na hindi nagawang saluhin ng Kickers, 2-0. Ilang minuto bago matapos ang laro ay nagawang maipasok ng Kickers ang kauna-unahan nilang iskor. Hindi naman nagpaduhagi ang Booters at sa banadang huli’y namayani pa rin sila nang selyuhan ni Ramos ang laro ng isang goal, 3-1, isang minuto bago matapos ang laro. “Sayang nakalusot sa akin yung isang goal ng Central. Kung hindi nakalusot yun tambak sana,” pag-amin ni Jeremy Ian Quibote, goal keeper ng Booters. “Sa tuwing lalaban kami sa division level ay kinakabahan ako dahil baka sa mahigit sampong taon na pagiging champion natin ay baka masulot ito. Mabuti at hanggang ngayon ay mahigpit pa rin ang hawak natin sa korona ,” wika ni Gng. Josefina Balagtas, coach ng CTES Booters. Sasagupain ng CTES Booters ang mga magagaling sa larangan ng football sa buong Rehiyon 3 sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) sa Tarlac City sa Marso.
District Sepak Championship San Isidro giba sa CTES strikers, 2-1
Pinatunayan ng CTES strikers na sila ang hari ng sepak takraw sa District IV matapos magpakawala ng matitinding sipa ang kanilang team captain na si Jomarie Anasco upang durugin ang San Isidro Elementary School (SIES), 2-1, at angkinin ang kampeonato sa 2012 District Meet, Oktubre 30. Nagpamalas ng mala pader na opensa ang CTES nang magpakawala si Anasco ng mabibilis na power services sa unang set na nahirapang ibalik ng SIES kung kaya’t nadiskaril ang diskarte ng SIES, 21-13. Nagpalitan naman ng matitinding sipa ang dalawang koponan sa ikalawang set. Gustong bumawi, hindi nagtulug-tulugan ang SIES at pinagbuti ang pag-receive ng bola at nakabawi, 21-16. Tuluyang tinambakan ng CTES ang SIES sa huling set nang sunud-sunod na paulanan ang huli ng mga solidong tappings at selyuhan ang laro, 15-5. “Hirap silang mag-receive kaya sa serve pa lang binibigatan na namin ang tira at naging epektibo naman.” pag-amin ng setter na si Jasper Evan Pineda.
TIKAS RECORD-BREAKER. Ipinakita ni John Paul Namoro ang tindig ng isang record-breaker na thrower ng shotput.
Kampeonato, mailap pa rin sa CTES volleybelles
Naging mailap pa rin ang kampeonato para sa Camp Tinio Elementary School (CTES) volleybelles matapos silang muling ungusan ng defending champion na Calikid Norte Elementary School (CNES) sa pukpukang finals, 2-1, ng 2012 District Meet sa CTES, Oktubre 30. Katulad ng naging paghaharap ng dalawang koponan noong nakaraang taon, nagpalitan ng matitinding spikes ang dalawang koponan sa unang set at walang ibig magpatalo hanggang mapasuko ng CNES ang CTES sa tatlong sunud-sunod na bangag ng spiker na si Hanibelle Celis, 25-21. Nakabawi naman ang CTES sa dikitang labanan sa ikalawang set, 25-23, matapos manlamya ang opensa ng CNES sa determinadong CTES na higit pang pinalakas ng mga matutulis na wallop services na kanilang pinakawalan. Nanggigil naman si Ivy Del Rosario sa pagkatalo sa ikalawang set kung kaya’t pinaigting ng koponan ang kanilang opensa at depensa sa pamamagitan ng mga safe services. Tuluyang natambakan ang CTES sa deciding set, 15-7, matapos magtala ng maraming errors sa services at receiving errors. “Konting-konti na lang. Next year, makukuha na namin ang championship. Practice practice pa. ,” ani Gng. Susana Duay, trainer ng CTES volleybelles. Pumangatlong puwesto naman ang CTES volleymen matapos silang pasukuin ng Valle Cruz Elementary School na pumangalawa naman sa kampeon na CNES volleymen. Sa Division Meet, napagwagian ng CNES girls ang kampeonato sa tulong ng dalawang CTES volleybelles na sina Maries Londerio at Julian Cana na pawang imports ng CNES.
CTES, wagi dahil sa bagong gamit pang-isport
Mula pito ay tumaas sa 15 gintong medalya ang naiuwi ng Camp Tinio Elementary School (CTES) sa nakaraang 2012 District Meet dahil sa mga bagong biling kagamitang pang-isports ayon sa mga tagapagsanay ng mga atleta sa CTES. May halagang hindi bababa sa 10 libong piso ang inilaan sa mga kagamitan tulad ng shuttle cock, bola ng volleyball, sepak, at football, raketa, at net para sa mga group sports.
INTERNASYUNAL •Dinaluhan ng 10,490 mga atleta mula sa 204 na mga bansa, kabilang ang Pilipinas, ang Olympic Games sa London. may kabuuang 44 world records at 117 Olympic records ang naitala. •Nagtagisan ang 164 mga bansa kasama ang Pilipinas sa Paralympic Games. May 4,200 mga atletang may kapansanan ang naglaban sa 503 medalya sa 20 sports events. •Napanatili ni Usain Bolt ng Jamaica ang kaniyang titulo bilang pinakamabilis na tao sa mundo matapos pagwagian ang gintong medalya sa 100 m at 200m sa 2012 London Olympics. •Bagamat hindi naulit ni Michael Phelps ang walong gintong medalyang nakamit niya noon sa Beijing Olympics, tinalo pa rin niya ang gymnast na si Larissa Latynia sa may pinakamaraming medalya sa Olympics.
PAMBANSA •Inungusan ng Smart Gilas ang koponan ng Amerika, 76-75, sa William Jones Cup, isang internasyunal na paligsahan sa basketball. •Itinanghal na Fighter of the year si Nonito Donaire ngayong taon dahil sa pagpapataob niya kina Toshioka, Jeffrey Mathebula, Wilfredo Vasquez, at ang huli na si Jorge Arce na tumba 3rd round pa lamang. •Dinagit ng Ateneo Blue Eagles ang ikalimang sunod nitong panalo sa UAAP Basketball tournament ngayong taon. •Nakatikim ng dalawang talo ang Pambansang Kamao Manny Pacquaio. Una ay kay Timothy Bradley at ikalawa ay sa kaniyang mortal na kalaban na si Juan Manuel Marquez. ni
Masarap ang halo-halo kapag tag-araw. Masarap din ang halo-halong isport na Bossaball. Kung gusto mong maglaro ng volleyball, football, at martial arts nang sabay-sabay, Bossaball ang laruin mo. Tama! Sa Bosaball pinagsama-sama ang mga sports na ito.
MANLALARO: Inembento sa Espanya ni Filip Eyckmans noong 2004, ang larong ito ay nilalaro ng tatlo hanggang limang tao bawat koponan.
PALARUAN: Gawa sa trampoline at mga inflatables ang palaruan ng Bossaball na hinahati ng net tulad ng sa volleyball.
PARAAN NG PAGLALARO: Anumang bahagi ng katawan ay maaaring gamitin sa pagtira sa bola. Hanggang anim na beses lamang ang pagtirang maaaring gawin ng bawat koponan bago ibalik sa kalaban. Ang bawat manlalaro ay may isang beses lamang na pagkakataong tirahin ang bola sa pamamagitan ng kanilang kamay at dalawang beses naman sa paa at ulo. Kailangang ibang manlalaro naman ang tumira pagkatapos.
PAG-IISKOR: Kapag ang bola ay lumapag sa trampoline ng kalaban, tatlong puntos ang katumbas, isang puntos naman kapag sa inflatables. Tatlong set ang mayroon sa isang laban na may tig-25 puntos. Wala pang Bossaball sa Pilipinas subalit hindi maglalaon ay magiging popular din ito sa Pilipinas. Sa ngayon, ang mga manlalaro ng Espanya at Brazil ang nangunguna sa halo-halong isport na Bossaball.